Pasugalan sa Lobo, Batangas pinaaaksyunan
MANILA, Philippines — Naalarma ang mga residente at mga negosyante sa Lobo, Batangas sa pagiging talamak umano ng pasugalan sa kanilang lugar na mistula na umanong “gambling hub”.
Bilang kinatawan ng concerned citizens, nanawagan si Efren Ramirez sa mga halal na opisyal na aksyunan na ang paglaganap ng sugal sa kanilang bayan. Lubos na nakababahala aniya, para sa mga residente ang lumalalang isyu ng mga ilegal na aktibidad.
Nakakadismaya aniya, na ang mga iligal na pasugalan, ay hindi malayo sa kanilang munisipyo at pamilihang bayan kaya imposibleng hindi ito umaabot sa kalaaman ng mga halal na opisyal.
Ipinagpasalamat din ng mga residente ang kamakailang operasyon ng mga tauhan Philippine National Police (PNP) at mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ginawang pag-aresto sa operator at manunugal sa kanilang bayan kabilang pa pagkahuli sa 21 katao na sangkot sa jueteng.
Kailangan aniya na suportahan ang mga lehitimong negosyo upang matugunan ang mga isyu ng kahirapan sa mga mamamayan na nagtutulak sa kanila sa pagsusugal.
Binigyang-diin ni Ramirez ang kahalagahan ng pagkilala sa mga may-ari ng negosyo bilang mga kaalyado sa halip na mga kalaban, na binibigyang-diin ang pangangailangan ng pagpuksa sa krimen upang pagyamanin ang isang magandang kapaligiran para sa mga negosyo at mamamayan.
- Latest