OFWs binalaan ng DMW vs investment scam
MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga overseas Filipino worker (OFW) at kanilang pamilya na mag-ingat laban sa mga nagpapanggap umano na lehitimong investment platforms at nanghihikayat na magpasok sa kanila ng pera bilang puhunan, ngunit scam lamang pala.
Sinabi ng DMW na batay sa impormasyon mula sa Securities and Exchange Commission Philippines (SEC), ang isang Trade 13.0 Serax ay hindi umano rehistrado at hindi rin lisensiyadong korporasyon, o One Person Corporation.
“Ine-engganyo ng TRADE 13.0 SERAX ang mga Pilipino na mag-invest ng kanilang perang pinaghirapan sa pamamagitan ng clickbait – ang paggamit ng makatawag-pansin na headline na umano’y mula sa isang kilalang news organization,” anang DMW.
Dagdag pa nito, “May link sa loob ng artikulo kung saan ituturo ang biktima sa isang kahina-hinalang website na nag-aalok ng return of investment (ROI) na nakakapang-akit sa interes nang marami dahil sa taas ng balik sa perang in-invest.”
Para lalo pang makahikayat ng mga mabibiktima, naglalagay ang mga ito ng mga testimonya umano sa ilang kilalang personalidad o celebrity na hindi naman napapatunayan sa kanilang kahina-hinalang website.
- Latest