Alvarez namemeligrong mapatalsik na reservist Colonel sa Philippine Marines
MANILA, Philippines — Namemeligrong mapatalsik bilang reservist sa Phl Marines si dating House Speaker at Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez kaugnay ng ‘seditious statement’ nito sa panawagang kumalas na ng suporta ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay CDR John Percie Alcos, Director ng Philippine Navy Public Affairs Office, inatasan na ni Navy Flag Officer -in-Command Vice Admiral Toribio Adaci Jr., ang 9th Marine Brigade para imbestigahan ang insidenteng ito.
Pinagpapaliwanag na rin si Alvarez sa nasabing aksiyon nito na mahigpit na ipinagbabawal sa protocol ng AFP dahilan isa itong ‘conduct unbecoming’ o pagsuway sa mahigpit na disiplina ng mga reservist officers.
“The result of the investigation will be the basis of the Navy’s actions moving forward,“ ayon kay Alcos.
Ipinaliwanag naman ni AFP Public Affairs Office Col. Xerxes Trinidad na ang pagpapatalsik bilang reservist ang isa sa mga posibleng kaharaping kaparusahan ni Alvarez depende sa kalalabasan ng kaso laban dito na ipapataw ng Department of Justice (DOJ) kung mapatunayang isa itong kaso ng ‘inciting to sedition’ o pag-uudyok sa taumbayan ng pag-aaklas laban sa administrasyon.
- Latest