Bong Go: Volunteerism sa community service, mahalaga
MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng volunteerism, healthcare innovations, at community partnerships matapos siyang dumalo sa ika-77 Founding Anniversary ng Philippine Red Cross (PRC) at 75th Anniversary ng Quezon City Chapter nito noong Lunes.
Sa imbitasyon ni PRC Quezon City Chapter Governor Ernesto Isla, unang dumalo si Go sa inagurasyon ng bagong PRC Quezon City Chapter building sa Liwasang Aurora sa loob ng QC Hall compound, na sinundan ng mass oath-taking ceremony para sa 6,000 bagong PRC volunteers sa QC Memorial Circle.
Inilarawan ng senador na ang nasabing bagong pasilidad ay hindi lang basta isang gusali, kundi isa ring sentro ng pag-asa at tulong. Ipinapakita aniya nito ang hangaring maglingkod at ang dedikasyong makatulong sa mga nangangailangan.
Ibinahagi ni Go na sa pamamagitan ng inisyatiba ng PRC-QC Chapter sa pakikipag-ugnayan sa kanyang tanggapan, pinag-aaralan ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibilidad na maglagay ng Red Cross counter sa loob ng Malasakit Centers para mabigyan ng mas mabilis na access ang publiko sa blood facilities na pakikinabangan ng mahihirap na pasyente.
Sa panunumpa ng Red Cross volunteers na karamihan ay mula sa sektor ng kabataan, iginiit ni Go ang kanyang pagsisikap na ang mga kabataan ay maging produktibo at ituro sa kanila ang halaga ng volunteerism, camaraderie, disiplina at sportsmanship. Pinuri niya ang mga ito sa pagboboluntaryo na maging bahagi ng Red Cross.
- Latest