Japan isasali sa Balikatan exercises

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang posibilidad na isama ang Japanese military forces sa Balikatan military exercises sa susunod na taon sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Sinabi ng Pangulo, na wala siyang nakikitang dahilan para hindi isama ang Japanese sa Balikatan exercises ng Pilipinas at US na bahagi ng ating military defense treaty na ginagawa kada taon.

Kamakailan lang ay nagsagawa ng trilateral meeting si Pangulong Marcos kasama sina US President Joe Biden at Japanese Prime Minister Kishida Fumio sa White House sa Washington, DC kung saan pinagtibay ng tatlong bansa ang kanilang commitment sa economic at maritime cooperation.

Para kay Marcos, ang pagsama ng Japan sa military exercises ay “good move” para sa Pilipinas dahil mas mapapadali ng bansa ang trabaho para sa koordinasyon at makapag-focus sa area kung saan mayroong problema at ma-maximize ang resources.

Ang partisipasyon ng Japan sa Balikatan exercises ay mapapanatili rin ang peace at stability, freedom of navigation at pagsunod sa rule of international law partikular na sa United Convention on the Law of the Sea.

Sa tanong kung posibleng mapasama na ang Japan sa 2025 exercises, sagot ng Pangulo, kailangan munang tapusin ng Pilipinas at US ang Balikatan exercises ngayong taon bago ito desisyunan.

Show comments