Taal patuloy sa pag-aalboroto
MANILA, Philippines — Nakapagtala ng limang phreatic eruptions ang Bulkang Taal sa Batangas batay sa nakalipas na 24 oras na monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ang pagsabog ay naitala mula alas-12 ng madaling araw ng Biyernes hanggang alas-12 ng madaling araw ng Sabado na ang pinakahuling eruption ay tumagal ng 13 minuto.
Ayon sa Phivolcs, may apat na discrete phreatic o steam-driven eruption events ang narekord. Ang eruption events ay naitala ng Taal Volcano Network (TVN) mula 9:45 ng umaga hanggang 3:22 ng hapon.
May 15 volcanic quakes kasama na ang 6 volcanic tremors na tumagal ng dalawa hanggang apat na minuto.
Nagluwa rin ang bulkan ng 9,677 tonelada ng asupre at upwelling ng mainit na volcanic fluids sa lawa ng Taal.
Nananatili namang nasa Alert Level 1 ang Taal habang patuloy na ipinagbabawal sa sinuman ang pumasok sa Taal Volcano Island laluna malapit sa Main Crater at Daang Kastila fissures. Bawal ding magpalipad ng anumang aircraft malapit sa bunganga ng bulkan dulot ng banta ng biglaang phreatic explosions, volcanic earthquakes, slight ashfall at pagluwa ng gas.
- Latest