Bong Go sa publiko, student: Ingatan kalusugan sa sobrang init
MANILA, Philippines — Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa publiko, partikular sa mga mag-aaral, ng mahigpit na pagbabantay at pag-iingat sa kalusugan bunga ng tumataas na temperatura sa buong bansa.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Go ang ginagawang pagsisikap ng Department of Education (DepEd) na maisaayos nito ang diskarte sa akademiko upang maging angkop sa kasalukuyang mga hamon sa kapaligiran.
Anang senador, ang mga hakbang na ginagawa ng DepEd ay patunay na tumutugon ang gobyerno sa pagtiyak na ang pag-aaral ng mga kabataan ay walang patid ngunit ligtas.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, sinabi ni Go na ang pundasyon sa kalusugan ay napakahalaga.
“Tandaan natin ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino,” aniya.
Inanunsyo ng DepEd ang pagpapatupad ng asynchronous classes o distance learning sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa sa Abril 15 hanggang 16.
Ang paglipat sa alternative mode ng 5,844 sa 47,678 pampublikong paaralan sa bansa ay bunsod ng matinding init. Ilang local government units ang nagsuspinde na rin ng mga klase bilang tugon sa mataas na heat index readings.
“Ayon sa awtoridad, inaasahang tataas pa ang heat index natin sa bansa dahil kakaumpisa pa lang ng ating tag-init. Andyan din ang El Niño na nagdudulot ng mas mainit na temperatura. Kaya mag-ingat po tayo at alagaan ang ating kalusugan,” sabi ni Go.
Inaasahan ng PAGASA na aabot sa 52 degrees o mas mataas pa ang heat index na nauuri na bilang “extreme danger level” hanggang Mayo.
“Isang malaking risk dito ay heat stroke, maliban sa heat exhaustion. Upang maiwasan ito, ugaliing uminom ng sapat na tubig at huwag magbabad sa araw hanggang maaari. Proteksyunan natin ang mga bata at matanda,” paalala ng senador.
- Latest