Warrant of arrest pa vs Quiboloy, inisyu ng Pasig RTC
MANILA, Philippines — Naglabas na rin ang Pasig City Regional Trial Court (RTC) ng warrant of arrest laban kay Kingdom of Jesus Christ (KJC) leader at founder Pastor Apollo Quiboloy kahapon, kaugnay ng kinakaharap nitong kaso ng human trafficking.
Ito na ang ikalawang arrest warrant laban kay Quiboloy matapos na una na siyang isyuhan ng mandamyento-de-aresto ng Davao City RTC noong nakaraang linggo dahil sa mga kasong child at sexual abuse.
Nabatid na inisyu ni Pasig RTC Branch 159 Acting Presiding Judge Rainelda Estacio-Montesa ang naturang arrest order kasunod nang pagbasura nito sa mosyon ng kampo ni Quiboloy, na humihiling na suspindihin muna ang proceedings sa kanyang kaso at ipagpaliban ang pagpapalabas ng warrant laban sa kanya.
Idinahilan ng kampo ni Quiboloy na dapat lamang na masuspinde ang criminal proceedings dahil may nakabinbin pa silang motion for reconsideration sa tanggapan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla hinggil dito.
Gayunman, sinabi ng prosekusyon na batay sa Rule 116 ng Rules on Criminal Procedure, pinahihintulutan lamang ang suspensiyon ng arraignment base sa paghahain ng isang petition for review sa DOJ at hindi sa motion for reconsideration sa isang resolusyon para sa petition for review.
“After consideration of the arguments brought forth by the parties, the court finds the Motion to Defer/Suspend Proceedings and Hold in Abeyance Issuance of Warrant of Arrest to be a prohibited motion and should therefore be denied,” nakasaad pa sa kautusan ng korte.
Bukod kay Quiboloy, kasama rin sa ipinaaaresto ng Pasig RTC sina Jackielyn W. Roy, Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid C. Canada, at Sylvia Cemañes.
Nabatid na ang kasong kinakaharap nina Quiboloy ay nasa ilalim ng Republic Act No. 9208 o The “Anti-Trafficking in Persons Act of 2003” na isang non-bailable offense.
- Latest