DOH nagbabala sa paghalik sa mga sanggol vs pertussis

MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ng Department of Health (DOH) ang publiko, partikular na ang mga magulang at mga guardians, laban sa paghalik sa labi ng kanilang mga sanggol upang maiwasang mahawa ang mga ito ng sakit na pertussis.

Ayon kay DOH Undersecretary Eric Tayag, bukod sa pagpapabakuna, may iba pang mga pamamaraan upang maiwasang maihawa ng pertussis ang mga sanggol.

Kabilang na aniya dito ang pag-iwas sa paghalik sa kanilang labi lalo na kung may nararamdamang mga sintomas ng sakit.

Makakatulong din aniya kung magsusuot ng mask at maghuhugas muna ng kamay bago kargahin o alagaan ang sanggol.

“Sa mga mommy natin na may baby o bagong silang na sanggol, iwasan muna natin ang lips to lips sa kanila. Kung may onting sipon tayo, kailangan ang kumarga sa mga baby, mga sanggol ay kaila­ngan may mask muna tayo. Mag­hugas ng kamay,” payo pa ni Tayag.

Ang pertussis, na isang nakahahawang bacterial respiratory infection, ay kilala rin sa tawag na whooping cough o ubong dalahit.

Maaari itong maihawa ng isang infected person sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahing.

Nagreresulta rin ito sa pagkakaroon ng influenza-like symptoms gaya ng bahagyang lagnat, sipon at ubo na tumatagal ng hanggang 10-araw.

Maaari ring makamatay ang pertussis lalo na sa mga sanggol, dahil maaari itong magdulot ng apnea o pagtigil ng paghinga habang sila ay natutulog, hirap sa paghinga at pagsusuka.

Show comments