Lockdowns, mandatory face masks ‘di irerekomenda ng DOH

Sa pagtaas ng pertussis cases

MANILA, Philippines — Hindi pa rin umano inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang pagpapatupad ng lockdown o mandatory na pagsusuot ng face masks, kahit pa nakakapagtala sila ng pagtaas ng mga kaso ng sakit na pertussis, na kilala rin sa mga tawag na whooping cough o ubong dalahit.

Sa halip na lockdown at mandatory wearing ng face masks, sinabi ni Dr. Eric Tayag, undersecretary ng DOH, na hinihikayat nila ang publiko na ugaliin ang boluntaryong pagsusuot ng face mask.

Pinayuhan din niya ang publiko na manatili na lamang sa bahay kung may sakit, ugaliing maghugas ng kamay at pumili ng mga lugar na mayroong maayos na bentilasyon upang makaiwas sa pertussis at iba pang respiratory infections.

Kinumpirma rin ni Tayag na maraming lugar sa bansa ngayon ang nananatiling nakaalerto dahil sa nagaganap na hawahan ng pertussis, partikular na sa mga kabataan.

Mayroon aniyang 10 rehiyon ang nakakapagtala pa ng pagtaas ng mga kaso ng sakit, na ­inaasahan pa nilang lalong tataas sa mga susunod na araw.

Gayunman, iniulat din ni Tayag na sa National Capital Region (NCR) ay nakakapagtala sila ng pag-plateau o pagbagal ng pagtaas ng mga kaso ng ubong dalahit.

Ang pertussis ay maaaring maihawa kung uubo o babahing ang isang taong may sakit nito. Magdudulot ito ng mga influenza-like symptoms gaya ng bahagyang lagnat, sipon at ubo na tumatagal ng pito hanggang 10-araw.

Show comments