Paglagda sa expanded centenarians law, pinuri ni Bong Go
MANILA, Philippines — Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go ang paglagda sa Republic Act No. 11982, o ang pag-amyeda sa Centenarian Act.
Ang panukala na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong Pebrero 26 ay nagpapalawak sa mga benepisyo ng mga matatandang Pilipino.
Kabilang sa batas, na co-author at co-sponsor si Go, ay ang cash gift para sa mga Filipino na may edad 80, 85, 90, at 95, nagkakahalagang P10,000 bawat isa, bukod pa sa kasalukuyang P100,000 cash gift para sa mga centenarian.
Binigyang-diin ni Go, miyembro ng Senate committee on social justice, ang pangako ng gobyerno na bigyan ng reward ang mga naging kontribusyon sa lipunan ng senior citizen sa Pilipinas.
Idiniin ni Go na nilalayon ng mga susog na bigyan ang mga nakatatanda ng mas maraming pagkakataon na tamasahin ang kanilang ginintuang taon nang may dignidad at kagalakan.
Pinasalamatan ni Go si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglagda sa batas at si Senator Imee Marcos, na siyang principal sponsor nito.
“Ito ay isang sama-samang tagumpay para sa lahat ng mga Pilipino, na nagpapakita ng ating sama-samang pagsisikap na pangalagaan ang mga matatanda sa ating mga komunidad,” anang senador.
“Dapat maimplementa ito nang maayos para mapakinabangan ng taumbayan lalo na ng mga matatanda na sakop ng batas na ito. Ibigay dapat ang nararapat sa kanila at huwag patagalin pa,” idiniin ni Go.
- Latest