Publiko pinaghahanda sa epekto ng El Niño
MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niñ0, nagbigay ng ilang tips sa publiko ang Climate Change Commission (CCC) kung paano makakayanan ang mainit na temperatura at kakulangan sa supply ng tubig.
Sinabi ni CCC vice chairperson at executive director Robert Borje, na ang paghahanda at pagharap sa El Niño ay nangangailangan ng pagsasama ng komunidad at indibidwal para makabuo ng isang watch group na magmomonitor at tutugon sa mga hamon na kaakibat nito.
Kaya payo ng CCC sa mga Filipino para makayanan ang mainit na temperatura ay maglagay ng insulation para hindi direktang pumasok sa kanilang bahay at mga pananim ang init.
Sa ganitong paraan ay mababawasan ang init sa bawat bahay na hindi dumidipende sa aircondition at i-check din ang mga bubong, mga pader at bintana para masiguro na insulated ito.
Ang paglalagay din anya ng halaman sa loob ng bahay ay makakabawas ng init dahil nagbibigay ito ng lilim at magpapaganda sa air quality.
Para maiwasan ang heat exhaustion o heat stroke, hinikayat ng ICC ang publiko na uminom ng maraming tubig.
Maari rin umanong gumawa ng homemade electrolyte solutions gamit ang asin, citrus fruits at iba pang madaling mabilis ang sangkap para mapalitan ang mga kinakailangang minerals at electrolytes sa sandaling magpawis ang isang tao.
Para naman maiwasan ang problema sa tubig sa tuwing tagtuyot at mainit ang panahon, hinihikayat nito ang publiko na mangolekta at mag-ipon ng tubig ulan sa pamamagitan ng paglalagay ng rainwater harvesting system.
Bagamat hindi maiinom ang tubig ulan ay magagamit umano itong pang linis, pagbuhos sa palikuran at pandilig ng halaman subalit dapat ipunin ito sa isang selyadong container para maiwasan na maging breeding ground ng lamok.
Inaasahan na papalo sa 36.5 hanggang 40 degrees celcius ang init na mararanasan sa Metro Manila at Northern Luzon sa mga susunod na linggo dahil sa epekto ng El Niño.
- Latest