Tolentino: Unibersidad, gobyerno, industriya magtulungan sa pag-unlad ng agrikultura
MANILA, Philippines — Nais ni Sen. Francis “Tol” Tolentino na ang pag-unlad ay kasangkutan ng mga unibersidad, gobyerno, at industriya upang mapaunlad ang agrikultura sa bansa.
Sinabi ni Tolentino na ang diskarte sa pagsasama ng tatlong institusyon na tinatawag na triple helix aniya ay epektibong gumagana sa pag-unlad ng agrikultura sa Netherlands at Germany. Ito ay kalakaran na maaaring magkonekta sa bagong henerasyon sa industriya ng agrikultura.
Sa kasalukuyan, nasa 55-59 taong gulang ang karaniwang edad ng mga Pilipinong magsasaka -- nagpapakita ng kawalang partisipasyon ng mga nakababatang henerasyon sa produksyon ng agrikultura sa bansa.
Ani Tolentino, ang mga mag-aaral mula sa mga unibersidad ay maaaring magsagawa ng pagsusuri sa lupa, halimbawa ang paglalapat ng mga inobasyon na maaaring magbigay-daan upang isara ang puwang sa pagkuha ng mga karera sa agrikultura at pangisdaan.
Sinabi ni Tolentino na ang aplikasyon ay dapat case-to-case basis, tulad sa Central Luzon, kung saan nangingibabaw ang agrikultura, o pangisdaan sa mga lugar tulad ng Aklan at Zamboanga Peninsula.
Inamin ni Agriculture Undersecretary for Planning Asis Perez na iniiwasan ng nakababatang henerasyon ang produksyon ng agrikultura dahil sa mababang kita at pagtaas ng insidente ng kahirapan sa sektor at pagkakaroon ng mga opsyon tulad ng trabaho sa mga pabrika at trabaho sa ibang bansa.
Sinabi ni Perez na nagbago na ang panahon, kung saan dati, ang isang pamilya na may dalawang ektaryang lupang pang-agrikultura ay maaaring mamuhay nang disente pero nawala at nauwi ang pagsasaka sa hindi kapaki-pakinabang.
- Latest