Ex-VP Robredo bukas kumandidato sa pagkasenador sa 2025
MANILA, Philippines — Kinukunsidera na raw ng kampo ni dating Bise Presidente Leni Robredo na tumakbo sa pagkasenador sa halalang 2025 kasama ang kapwa oposisyon.
Ito ang pahayag ng dating tagapagsalita ni Robredo, Huwebes, na asi Barry Gutierrez matapos aminin ni Liberal Party spokesperson at dating Sen. Leila de Lima na nililigawan nila ang dating bise maging bahagi ng 2025 senatorial slate.
"She's definitely thinking about it, and definitely 'yung mga pahayag ng mga kaalyado tulad ni Sen. De Lima magiging konsiderasyon niya doon sa kanyang magiging desisyon for 2025," wika ni Gutierrez sa panayam ng News5.
Sa forum na inasikaso ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) kahapon, sinabi ni De Lima na magiging bahagi ng inisyal na kandidato ng LP ang mga sumusunod:
- dating Sen. Francis "Kiko" Pangilinan
- dating Sen. Bam Aquino
- human rights lawyer Chel Diokno
Nagdusa nang malaking pagkatalo ang oposisyon sa nakaraang pambansang halalan matapos matalo ang halos lahat ng kanilang kandidato.
Tanging si Sen. Risa Hontiveros lamang ang nanalo nilang senatorial candidate mula sa noong 2022, dahilan para siya ang maging highest-elected opposition official.
Maliban kay Hontiveros, tanging si Sen. Koko Pimentel laman ang bahagi ng "minority bloc" ngayon sa Senado ngayong 19th Congress.
LP wala pang presidential frontrunner
Samantala, aminado si De Lima na wala pang napipisil na ang Partido Liberal na tumakbo sa pagkapresidente sa susunod na taon.
"We have not seen an alternative. We don't know the situation in 2025 and also in 2028. Who is that alternative? Maybe it's another strongman," wika ni De Lima.
"But it should be a different kind of strongman. More really into a transformational type of governance."
Matatandaang kumandidato noon sa pagka-presidente si Robredo noong eleksyong 2022 ngunit natalo kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Sa gitna ng papaliit na espasyo ng oposisyon sa national posts, hindi pa naman mabanggit sa ngayon ni De Lima kung may balak siya uling kumandidato matapos makalabas ng kulungan.
"The political climate is not that easy, especially for me that I've just come out of jail," pagbabahagi ng dating senadora.
"I've no resources and I'm still really trying to reinforce whatever support I have."
Pitong taong ipiniit sa kulungan si De Lima matapos humarap sa patung-patong na kaso kaugnay ng iligal na droga. Una nang inabsweldo ng korte si De Lima sa dalawa sa tatlo niyang drug cases.
Kasalukuyang nasa labas ng detention facility ang opposition figure matapos maghain ng P300,000 piyansa para sa kanyang ikatlo at huli niyang kaso.
Una nang sinabi ni De Lima na idiniin lang siya ng nakaraang administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kanyang pagpalag sa madugong "war on drugs" at kontrobersyal na human rights record ng dating presidente. — may mga ulat mula sa News5
- Latest