Huling batch ng Filipino evacuees mula Gaza nakauwi na ng bansa — DFA
MANILA, Philippines — Matagumpay nang nakalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang nalalabing Pilipinong lumilikas sa kaguluhan sa Gaza, Palestine sa gitna ng digmaang inilunsad ng Israel.
"Nakarating na ng NAIA ang huling batch ng 14 Filipino nationals na lumikas mula sa Gaza kahapon ng umaga," wika ng Department of Foreign Affairs sa isang pahayag sa Inggles ngayong Huwebes.
"Sinalubong sila ng DFA, mga opisyales ng [Overseas Workers Welfare Administration] at sinundo ng kanilang pamilya. Dahil dito, 136 na sa 137 Filipino national sa Gaza na ang naililikas. Kumakatawan ito sa lahat ng mga Pilipinong humingi ng tulong simula nang magkagulo."
Hindi bababa sa 29,410 katao na ang namamatay sa Palestine sa gitna ng digmaan sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hamas, ayon sa pinakahuling taya ng kanilang health ministry.
Bukod pa ito sa nasa 69,465 sugatan dulot ng walang-humpay na atake at pambobomba ng Israeli authorities.
Ang lahat ng ito ay kaugnay ng "Operation al-Aqsa Storm" ng ilang Palestino noong Oktubre, na produkto diumano ng pag-atakeng sinimulan ng Jewish settlers at bakbakan sa Jenin at Al-Aqsa mosque na ikinamatay ng higit 200 Palestino. Bukod pa ito sa deka-dekadang illegal Israeli occupation.
"Iisa na lang ang Filipino citizen na natitira sa Gaza, isang madreng nagdesisyong manatili roon," dagdag pa ng DFA.
"Binabantayan na ng Philippine Embassy sa Amman ang kanyang sitwasyon."
Wika pa ng kagawaran, ang matagumpay na operasyon ay bahagi lang ng utos ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na matiyak ang kaligtasan ng lahat ng Pilipino sa Gaza.
Matatandaang umabot sa apat na overseas Filipino workers (OFWs) naman ang namatay sa Israel sa gitna ng bakbakan, karamihan sa kanila ay mga caregiver.
Ilan sa mga nabihag noon ng Hamas ay ligtas naman nang nakauwi sa Pilipinas gaya ni Jimmy Pacheco. — may mga ulat mula sa Agence France-Presse
- Latest