Barko ng MV FastCat pumalya sa laot, mga pasahero inalalayan ng PPA
MANILA, Philippines — Rumesponde ang Port Police ng Philippine Ports Authority at mga kawani ng Philippine Coast Guard nang magkaaberya ang makina ng MV FastCat M17 sa pantalang malapit sa Surigao.
Naantala ang biyahe ng nasabing barko dahil sa engine failure nitong Pebrero 15, 2024 dakong alas-sais ng gabi. Nagmula sa Liloan Port ang nasabing sasakyang pandagat at ilang metro na lamang ang layo nito sa rampa ng Surigao Port nang pumalya ang makina nito.
Dakong alas-nuebe ng gabi nang masagip ng PCG ang 22 na mga naantalang pasahero na ligtas na nakababa sa Surigao Port kung saan nakaantabay ang Surigao Port Police na nagbigay ng karagdagang pag-alalay sa mga ito.
Ligtas din na naibaba ang 63 na iba pang pasahero na karamihan ay mga truck driver at helper, na nanatili sa loob ng sasakyang pandagat dahil sa kanilang mga truck o sasakyan.
Dahil hindi agad naayos ang problema ng barko, alas-tres na ng madaling-araw ng Pebrero 16 nang maibaba ang mga natirang pasahero.
- Latest