AKAP funds ‘di pa nagagalaw - DSWD
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na hindi na nagagalaw ang kontrobersiyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na nakapaloob sa budget ng departamento ngayong taon.
Sa pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Gatchalian na “intact” pa ang pondo dahil bumubuo pa sila ng guidelines para sa pamamahagi nito sa mga minimum wage earners na apektado ng inflation.
“Wala pa ni isang centavo ng AKAP na nagagamit – the whole appropriation is intact because the Department is still crafting the guidelines. If you look at the special provision ng AKAP sa batas it’s meant for our minimum wage earners to protect as an anti-inflation mechanism,” ani Gatchalian.
Sinabi rin ni Gatchalian na maganda ang programa at importante na maayos nila ang guidelines kaugnay sa paggamit ng pondo.
Ang pondo na nagkakahalaga ng P26.7 bilyon na balak ipamahagi sa mga tinatawag na “near-poor” ay naging kontrobersiya matapos iugnay sa isinusulong na people’s initiative.
Naiulat noong Nobyembre 2023 ang pahayag ng liderato ng House of Representatives na ang AKAP ay gagamitin para sa isang one-time, P5,000 cash assistance sa mga pamilyang Filipino na apektado ng global inflation at pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
- Latest