MTRCB ibinasura apela ng SMNI laban sa suspensyon ng 2 palabas

Litrato ni Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy at ng SMNI News
Released/Sonshine Media

MANILA, Philippines — Kinatigan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang nauna nitong desisyong suspindihin ang dalawang palatuntunan ng isang media network matapos iere ang ilang death threats at unverified information.

Ibinaba ang desisyon laban sa programang "Gikan sa Masa, Para sa Masa" and "Laban Kasama ang Bayan" dahil pa rin sa mga pahayag doon nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sonshine Media Network International (SMNI) host Jeffrey Celiz.

"MTRCB’s mandate is to protect viewers from inappropriate content, more so on Television where viewers of all ages have unadulterated access," ayon sa ulat ng ABS-CBN News ngayong Biyernes.

"Grounded in the principles of due process and fairness, our resolve to enforce accountability in media content regulation is resolute

Matatandaang ibinaba ang preventive suspensyon matapos ang pagbabanta ni Digong kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa kanyang programa, ito habang binabatikos ng huli ang confidential funds ni Bise Presidente Sara Duterte — anak ng dating presidente. Paulit-ulit din ang pagmumura sa palabas.

Bukod pa ito sa reklamong natanggap ng SMNI matapos ilabas sa kanilang programang "umabot sa P1.8 bilyon" ang travel expenses ni House Speaker Martin Romualdez. Aminado ang host ng "Laban Kasama ang Bayan" na si Jeffrey Celiz na nanggaling lang ang impormasyon sa isang source mula Senado.

Una nang hiniling ng mga abogado ng SMNI na ibaliktad ng MTRCB ang suspensyon order laban sa mga programa ng himpilan, sa dahilang paglabag daw ito sa kalayaan sa pamamahayag, pagpapahayag, pagbabalita at due process sa batas.

Pero ayon sa MTRCB, inulit lang daw ng motion for reconsiderations ng network ang mga dati nang puntong tinalakay sa mga naunang isinumiteng position paper.

"As such, the MTRCB has decided to deny both MRs," dagdag pa ng MTRCB.

Ngayong linggo lang nang patawan ng indefinite suspension ang operasyon ng television stations ng SMNI matapos nitong bigong makasunod sa naunang 30-day suspension order ng National Telecommunications Commission (NTC).

Nangyayari ang lahat ng ito matapos ibasura ng Quezon City Prosecutor's Office ang "grave threat" criminal complaint ni Castro laban kay dating pangulong Duterte kaugnay ng naturang death threats.

Ang SMNI network, na pinagmamay-arian ng religious leader at wanted sa Amerikang si Apollo Quiboloy, ay dati nang kilala para sa pag-eere ng mga programang nagre-redtag o terror tag sa mga ligal na aktibista at journalists.

Show comments