Upos ng yosi 'numero unong basura' sa kalsada ng NCR noong 2023 — MMDA
MANILA, Philippines — Sa lahat ng basurang itinatapon sa mga lansangan, lumalabas na upos ng sigarilyo ang pinakamatinding problema sa ngayon ng National Capital Region (NCR).
Ito ang lumabas sa ulat ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) batay sa kanilang 2023 "Anti-Littering Apprehension Report."
"Sa tala, 12,918 indibidwal o 79% ang nahuling nagtapon ng upos ng sigarilyo sa mga kalsada," wika ng MMDA.
"#2 naman ang papel kung saan 1,524 indibidwal o 9.4% ang nahuling nagtapon; #3 ang balat ng kendi kung saan 1,343 indibidwal o 8.3% ang nahuling nagtapon."
Naitala ang naturang bilang kahit na ipinatutupad ng Malacañang ang Executive Order 26, na siyang nagdedeklara sa mga pampublikong espasyo bilang "smoke-free" environments
Ang nalalabing 2.4% ng mga naturang basura ay ang lahat ng iba pang hindi nabanggit.
"Ayon sa MMDA Regulation No. 96-009 o Anti-Littering Law, ang pagtatapon ng kalat o basura sa mga pampublikong lugar ay may multang P500 hanggang P1,000 o mabibigyan ng community service," panapos ng MMDA.
Inilabas ang naturang anti-litering report ilang linggo matapos idaos ang kapistahan ng Itim na Nazareno ngayong Enero, isang relihiyosong pagtitipong nakapuno ng halos 160 trak ng basura.
Katumbas ito ng 486 metric tons ng basurang nakolekta sa paligid ng Luneta, Quirino Grandstand, Quiapo Church atbp. kalapit na lugar, bagay na mas marami pa kaysa sa datos noong nagsimula ang COVID-19 pandemic.
- Latest