Kuwalipikadong government workers, pinag-aaplay ng grant sa additional points sa CSE
MANILA, Philippines — Hinikayat ng Civil Service Commission (CSC) na mag-aplay para sa Grant of Career Service Eligibility – Preference Rating (CSE-PR) ang mga manggagawa sa gobyerno na nasa serbisyo nang hindi bababa sa 10 taon, nakakuha ng kaugnay na kaalaman at kasanayan ngunit hindi nagtataglay ng naaangkop na civil service eligibility.
Sa ilalim ng CSC Resolution No. 2301123, ang Preference Rating ng maximum na 10 puntos ay idaragdag sa nabigong hanay ng rating (70.00 hanggang 79.99) upang makamit ang passing rate na 80.00 para sa mga kwalipikadong aplikante sa Career Service Examinations (CSEs) upang sa gayon ay maging kwalipikado ang mga ito para sa Career Service Professional o Subprofessional eligibility.
“In recognition of these government workers who have already contributed so much in our efforts to provide efficient public service, the CSC has resolved to grant them with CSE preference rating under specific conditions,” pahayag ni CSC Chairperson Karlo Nograles.
Saklaw ng nasabing resolusyon ang mga manggagawa sa ilalim ng JOCOSC6 o Job Order (JO), Contract of Service (COS), Casual, Contractual, Coterminous, mga empleyadong may hawak na Category III at Category IV na posisyon at Career service employees na may first level eligibility.
Upang maging kwalipikado, ang mga aplikante ay kailangang nakaipon ng hindi bababa sa 10 taon ng serbisyo sa gobyerno bilang JOCOSC6.
Ang mga interesado sa pag-avail ng CSE-PR ay dapat na mag-aplay at kumuha ng naka-iskedyul na CSE simula sa Marso 3, 2024.
Nilinaw ni Chairperson Nograles na isang beses lang makaka-avail ng CSE-PR grant ang mga indibidwal.
- Latest