Solons na pabor sa ICC probe naghahanap lang ng gulo - Imee
MANILA, Philippines — Naniniwala si Senator Imee Marcos na naghahanap na lang ng gulo ang mga mambabatas na nagsusulong ng resolusyon na humihimok sa gobyernong Marcos na makiisa sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa mga paglabag sa karapatang pantao dito sa Pilipinas.
Kasunod na rin ito ng inihain na Senate Resolution 867 ni Sen. Risa Hontiveros na nag-uudyok sa Malakanyang na makipagtulungan sa pagsisiyasat ng ICC hinggil sa human rights situation ng bansa.
Ayon kay Sen. Marcos, kilalang malapit sa mga Duterte, na talagang ‘basag ulo’ o gulo ang hanap ng mga naghain ng resolusyon lalo na at mismong si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hinamon na rin ang mga nagsusulong na makipag-cooperate ang pamahalaan sa imbestigasyon ng ICC kaugnay sa mga kaso ng ipinatupad noon na ‘war on drugs’.
Giit ng senadora, ang desisyon kung tuluyang makikipagtulungan o hindi sa ICC ay nasa kanyang kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos at nauna naman na nilinaw ng Presidente na hindi papapasukin at walang hurisdiksyon ang ICC na magsagawa ng imbestigasyon sa bansa.
Binigyang diin ni Sen. Marcos na hindi napapanahon ang mga inihaing resolusyon dahil mas maraming malalaking problema ang bansa tulad ng kahirapan, mahal na presyo ng bigas at ang kawalan ng mga oportunidad ngayong malapit na ang pasko.
- Latest