Bong Go kinilalang ‘outstanding senator’

MANILA, Philippines — Muling kinilala at ginawarang “Outstanding Senator” si Senator Christopher “Bong” Go sa 5th National Convention of the Public Attorney’s Office (PAO) Rank and File Employees noong Martes sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

Si Go ay dati na ring kinilala bilang “Outstanding Senator” noong Oktubre 2022 at 2019.

Ang Public Attorney’s Office, isang ahensya ng gobyerno na inatasang magbigay ng free legal assistance sa mahihirap na Pilipino, ay matagal nang haligi ng hustisya at pagbibigay ng suporta sa mga nangangailangan ng legal na representasyon ngunit hindi kayang magbayad.

Personal na tinanggap ang parangal, sinabi ni Go na ang pagtitipon ay hindi lamang selebrasyon ng walang kapagurang mga empleyado ng PAO kundi isang pagkakataon din sa kanya na magbigay pugay sa napakahalagang serbisyo ng mga nasabing dedikadong lingkod-bayan.

Aniya, ang rank and file employees ng PAO ay “unsung heroes” na masigasig na nagtatrabaho sa likod ng mga eksena upang matiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga nangangailangan nito.

Pinuri ni Go ang mga empleyado ng PAO sa kanilang walang humpay na dedikasyon at inulit ang kanyang pangako na susuportahan ang kanilang pagsusumikap sa legal na propesyon.

Patuloy niyang isusulong ang pagtataas ng pondo at resources para sa PAO upang mas mapabuti ang mga serbisyo nito.

Show comments