Vaping mas nakakasama kaysa paninigarilyo - pulmonologist
MANILA, Philippines — Mas nakakasama na ngayon ang paggamit ng vape kaysa sa paninigarilyo base sa rami ng mga kasong natatanggap ng mga ospital ukol sa pagkakasakit kahit na isang taon pa lamang nagbi-vape, ayon sa tobacco cessation expert at pulmonologist na si Dr. Maricar Limpin.
Sinabi ni Limpin, executive director ng Action on Health and Smoking (ASH), kabaligtaran ito sa marketing strategy ng mga vape manufacturers na nagsasabi na mas hindi nakakasama ang vaping.
“Isang taon pa lang silang nagbi-vape pero nagkakaron na agad sila ng problema sa paghinga. Natatagalan rin ang pagbalik sa normal na paghinga ng mga pasyente,” ayon kay Limpin.
Sa mga pag-uusap ng mga doktor sa baga, nakikita umano nila na mas nakasasama nga ang vaping dahil sa hindi naman nila nakikita ang mga problema sa baga ng ganun kabilis sa mga naninigarilyo.
“What we see in patients is that after only a few years of vaping, they already show symptoms. For us, this is already a warning signal that vaping is not less harmful. It may have similar effects like cigarettes but the speed it develops make it even more harmful,” saad pa ni Limpin.
Plano ngayon ng Philippine College of Chest Physicians (PCCP) na magtatag ng registry para sa mga sakit kaugnay ng vaping. Sa ngayon, tanging mga anekdota pa lamang umano ang kanilang hawak ukol sa sakit dulot ng vaping.
Dito malilikom ang lahat ng klinikal na datos at impormasyon na ibabahagi sa publiko para mabalaan ukol sa dulot sa kalusugan ng vaping.
- Latest