Hiling na ‘wag ipagbawal ang ayuda sa Mayon evacuees sa Bgy., SK elections, ok sa Comelec
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na aaprubahan nito ang hiling ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na hayaan at huwag ipagbawal ang pagbibigay ayuda sa mga bakwit ng patuloy na nag-aalborotong bulkang Mayon sa nalalapit na halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre ngayong taon.
Ang naturang gawain ay ipinagbabawal ng batas sa panahon ng eleksiyon. Sa isang liham noong Hulyo 22, hiniling ni Salceda sa Comelec na ilibre sa pagbabawal ang pagbigay ayuda sa mga bakwit ng Mayon ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang huwag namang matigil ang pagbibigay tulong sa mga bakwit. Si Salceda ay chairman ng House Ways and Means Committee.
Tiniyak naman ni Comelec Chairman George Garcia kay Salceda na agad nilang aaprubahan ang hiling nito sa pulong kamakailan ng House Committee on Electoral Reforms.
“Dahil sa tunay na makataong kadahilanan, tinitiyak kong aaprubahan namin ang gayong mga gawain, at maaaring humiling din ang iba ng ganun,” pahayag ni Garcia.
Ipinaliwanag ni Salceda na “batay sa kanilang karanasan, ang karaniwang tagal ng pananatili ng mga bakwit sa ‘evacuation centers’ ay umaabot sa 45 araw, 90 araw o 110 araw. Habang sila’y nasa evacuation centers, kailangan nila ng ayudang pagkain, pagsasanay, ‘cash-for-work programs,’ at iba pang suportang pangkabuhayan dahil nawala nga sa kanila ang mga ito.”
Tiniyak din niya kay Salceda na “aaprubahan agad” ng Comelec ang kanyang kahilingan.
Pinasalamatan ni Salceda si Garcia sa katiyakang ibinigay ng huli at sinabi niyang aasahan nila ang malinaw at opisyal na resolusyon ng Comelec sa naturang isyu.
- Latest