Higit 2,000 Pinoy, dayuhan nailigtas sa 'POGO hub' raid sa Las Piñas

Litrato ng mga Pilipino at dayuhang diumano'y biktima ng human trafficking sa Lungsod ng Las Piñas, ika-27 ng Hunyo, 2023
Released/PNP ACG

MANILA, Philippines — Libu-libong Pilipino at banyagang "human trafficking victims" ang nailigtas ng Philippine National Police mula sa diumano'y POGO hub sa Lungsod ng Las Piñas, kung saan hinihinalang sapilitang pinagtratrabaho sila sa "cyber fraud."

Sa ulat ng PNP Anti-Cybercrime Group ngayong Martes, nasa 1,192 foreigners at 1,525 Pilipino ang nasagip sa pitong gusaling sinalakay. Sinasabing pinamunuan ng National Capital Region Police Office at PNP Intelligence Group of operasyon.

Maliban sa mga Pinoy, kasama rin sa mga nasaklolohan ang ilang Singaporean, Malaysian, Vietnameses, Chinese atbp.

"Ang initial is human trafficking... 'Yung mga nakausap kong Malaysian, Chinese also, is sa Facebook merong job posting. So 'yung job posting na 'yon, nire-recruit sila to work dito... nag-a-assist sila sa online gaming," ani PCapt Michelle Subino, spokesperson ng PNP-ACG, sa ulat ng TeleRadyo.

"'Yung iba sinasabi nila is okay naman daw, libre naman daw 'yung food nila. Except they are working for 12 hours. So from 12 p.m. to 12 a.m. [ang trabaho]. 'Yung iba nakausap ko they are not allowed to go out, pero 'yung iba namang nakausap ko allowed to go out."

 

 

Nangyari ang nabanggit matapos makapaghain ang mga otoridad ng warrant to search, seize, and examine computer data kaugnay ng Anti-Trafficking in Persons Act at Anti-Cybercrime Prevention Act.

Bagama't sinasabing ni-recuit ang mga nabanggit para sa online casino, hinihinala ngayon ng PNP na front lang ito.

Susuriin din daw ang mga nakumpiskang computer kung may trace ng paggamit kaugnay ng love scam, investment scam o crypto scam. — may mga ulat mula sa One PH

Show comments