3 kumpanya kinasuhan ng BIR ng tax evasion

MANILA, Philippines — Sinampahan kahapon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ng kasong tax evasion ang mga opisyal at accountants ng tatlong kumpanya dahil sa paggamit ng mga pekeng resibo na nagresulta sa hindi pagbabayad sa pamahalaan ng tinatayang P18 bilyong buwis.

Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui na ang tatlong kumpanya ay kabilang sa libo-libong kumpanya na bumili ng mga tinatawag na “ghost receipts” na kanilang ginagamit sa mga transaksyon.

“Itong mga bumibili ng pekeng resibo na ito, ito ay mga lehitimong negosyante na ang layunin nila mapababa ang kanilang babayarang buwis, ang income tax, at saka ‘yung value-added tax na baka dapat nilang bayaran,” ayon kay Lumagui.

Dahil dito, tinatayang P18 bilyon ang buwis na hindi nabayaran ng tatlong kumpanya, kung isasama ang mga penalty at interes.

“Sa sinampa nating kaso ngayon laban sa tatlong kumpanya, kasama po diyan ang accountant na nag-audit ng financial statements nitong tatlong kumpanya na ito,” dagdag ng opisyal.

Ngunit ito pa lamang ang unang batch.  Sinabi ni Lumagui na patuloy silang maghahain ng kaso sa marami pang kumpanya na nandaraya sa pamahalaan kung saan tinataya na aabot sa P500 bilyon na hindi nababayarang buwis ang kanilang hinahabol sa mga ito.

Show comments