DOH: 2nd COVID-19 booster shot aprubado na sa 'general population'
MANILA, Philippines (Updated 4:46 p.m.) — Pinayagan na ang pagtuturok ng ikalawang booster shot laban sa COVID-19 sa general population matapos maaprubahan, ayon sa Department of Health.
Ito ang kinumpirma ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa isang media briefing, Miyerkules.
"We’re just waiting for the release of the implementing guidelines, then we’ll start administering the second booster for the general population," sabi ni Vergeire kanina.
Inilinaw naman ng DOH official na tumutukoy ang general population sa mga "malulusog na nasa wastong edad."
Marso lang nang aminin ni Vergeire na aabot sa 50 milyong doses ng COVID-19 vaccines ang napanis lang sa pagtatapos ng Marso 2023.
Bago ito, matatandaang ibinibigay lang ang second booster para sa mga edad 50-anyos pataas, indibidwal na may comorbidities edad 18-anyos pataas at healthcare workers.
Matagal nang pinupuna ng ilan na isa ang restriksyon sa pagbibigay ng second booster shot kung bakit maraming bakuna ang nasasayang lang sa ngayon.
Kanina rin idinagdag ni Vergeire na tumaas ng 13% ang mga hindi pa bakunado na tinamaan ng COVID-19 nitong nakaraang buwan.
“As we see a slight increase in cases among unvaccinated individuals, we continue to remind our people to get our jabs and boosters done to remain protected against the virus,” sabi pa niya.
Sa huling ulat ng Kagawaran ng Kalusugan, umabot na sa 4.08 milyon ang tinamaan ng COVID-19 simula nang makapasok ito sa Pilipinas noong 2020.
Nananatiling nasa 9,321 ang aktibong kaso ng sakit, habang 66,429 na ang namamatay sa mga nahawaan. — may mga ulat mula kay Gaea Katreena Cabico
- Latest