Teves, binigyan ng 24 oras ultimatum ng House
MANILA, Philippines — Binigyan ng ultimatum na 24 oras si Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. para pisikal na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Ethics.
Kaugnay ito ng isinasagawang imbestigasyon ng nasabing komite sa pag-expire ng travel authority ni Teves noong Marso 9.
Sinabi ni committee chair Rep. Felimon Espares na hindi nila pinahintulutan na via online magpartisipa si Teves sa pagdinig ng komite. Nais nilang marinig ang paliwanag ni Teves sa patuloy nitong pag-absent sa pagdinig ng komite.
Ayon kay Espares sa sandaling mabigo si Teves na pisikal na makadalo sa pagdinig ay dito na sila magdedesisyon kung dapat itong manatili bilang Kongresista o mapatalsik na bilang miyembro ng Kamara.
“He (Teves) need to physically attend the hearing, if he failed we will finally decide on his sanctions and he will be meted with disciplinary actions,” ani Espares.
Samantala tumanggi naman si Espares na idetalye sa media kung saang bansa naroroon si Teves matapos na sabihin ni Justice Secretary Boying Remulla na wala na ito sa Estados Unidos.
Magugunita na umapela si Speaker Romualdez kay Teves para umuwi na sa bansa at harapin ang kaniyang kaso.
Sa pamamagitan naman ng kanyang legal counsel na si Atty. Ferdinand Topacio ay hiniling ni Teves sa Kamara na payagan siyang mag-privelege speech via online upang sagutin ang mga isyu laban sa kaniya.
- Latest