SWS: 69% ng unvaccinated Pinoys ayaw pa rin paturok vs COVID-19
MANILA, Philippines — Tatlong taon simula ang pandemya, marami pa ring Pinoy ang nagdadalawang-isip magpaturok laban sa nakamamatay na COVID-19 — lagpas kalahati ng populasyon ng mga wala pang bakuna sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ng Social Weather Stations (SWS), Huwebes, pagdating sa adult COVID-19 vaccination status at kanilang willingness na magpabakuna.
"12% of UNVACCINATED adults are WILLING to get the vaccine, 69% are UNWILLING," pagbabahagi ng survey firm kahapon. Ang huli ay tumutukoy sa na raw sa 9.5 milyong katao.
"32% of adults vaccinated with 1ST or 2ND DOSE are WILLING to get a booster dose, 44% are UNWILLING."
Lumalabas namang 55% sa mga nasa wastong edad na naturukan na ng third dose ang payag kumuha ng fourth dose (second booster). Gayunpaman nasa 32% sa kanila ang ayaw.
Sa kabila nito, karamihan pa rin sa mga Pilipino ang pinili nang kumuha ng proteksyon laban sa COVID-19: nasa 87% ng adult Filipinos o katumbas ng 62.6 milyon.
"Status hardly moved from Apr 2002 to Dec 2022," dagdag pa ng SWS.
Ang nasabing pag-aaral ay isinagawa gamit ang harapang panayam sa 1,200 katao edad 18 pataas sa buong Pilipinas at may sampling error margin na ±2.8%.
DOH iba ang estima sa SWS
Una nang sinabi ng Department of Health (DOH) na posibleng mapanis na ang mahigit 50 milyong vaccine doses laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng Marso 2023.
Magkaiba nang kaonti ang datos ng DOH sa SWS batay sa pinakasariwang balita ng huli:
- kumpleto ang una at ikalawang dose: 79.16 milyon
- merong unang dose: 75.7 milyon
- nakakuha ng booster shot: 24.17 milyon
Umabot na sa 4.07 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 ngayon sa Pilipinas simula noong 2020. Sa bilang na 'yan, 9,231 ang aktibo pa habang 66,245 naman ang namatay na sa karamdaman.
- Latest