2 Pinoy kumpirmadong sugatan sa Turkiye quake; 1 missing na-'recover'
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Embahada ng Pilipinas sa Turkiye na dalawang Pinoy na ang naitatalang sugatan dulot ng nagdaang malakas na lindol doon na siyang pumatay na sa libu-libo.
Lunes lang kasi nang yanigin ng magnitude 7.8 na earthquake ang bansa, dahilan para umabot na sa mahigit 15,000 ang nasawi sa mga teritoryo ng Turkey at Syria.
"The Embassy continously recieves a steady stream of confirmed and unconfirmed reports of Filipinos experiencing varying degrees of distress," wika ng Embahada ng Pilipinas sa Ankara, Huwebes.
"These included two confirmed reports of injured Filipinos, who are now recovered."
Natutuwa naman ang embahada na ligtas ang marami sa mga Pilipinong nasa mga apektadong lugar at tinitiyak na hindi susukuan ang mga hindi pa rin ma-contact hanggang sa ngayon.
Ayuda sa nasalanta
Kinita naman na raw ng team ng gobyerno ang ilang Pilipino sa mga lungsod ng Adana at Iskenderum, ang huli ay isa sa pinakanasalantang lugar sa probinsya ng Hatay.
"Embassy personnel distributed relief goods, including food, blankets, water and cash," dagdag pa ng embahada.
"We are continuing to utilize our invaluable network of Filipino community leaders from across the country to get in touch with those in need, as as four (4) Filipinos that the team evacuated from Adana to the safer city of Mersin."
Labis namang nagpapasalamat ang embahada sa mga Pinoy sa Turkey na patuloy na nagbibigay ng ayuda sa 248 na kabayayang naipit sa trahedya. Sinasabing nasa 4,006 ang Pinoy sa Turkey, ayon sa pamahalaan.
Miyerkules lang nang tumulak ang mga miyembro ng Philippine Humanitarian Response Team patungong Turkey upang tumulong sa patuloy na search and rescue operations doon.
Pinay na-recover?
Kanina lang nang sabihin ng presidente ng Pinoy in Ankara Community na si Cherry Santos na isa sa mga Pinay na nawawala ang na-rescue sa Hatay, bagay na una nang usap-usapang namatay sa guho.
"Kanina pong hapon, may lumabas po na balita na may na-recover na pong isang Pinay," wika ni Santos sa panayam ng Teleradyo. Sa kabila nito, wala raw silang impormasyon kung sino ang nabanggit.
"Isang kababayan po natin ang na-recover na napabalita po noong una na kinonfirm po noong amo na patay na, pero na-recover po siya. Buhay po."
Una nang sinabi na tatlong Pinay ang nawawala. ani Santos, nakatira ang mga nabanggit sa iisang lugar.
- Latest