Maharlika Fund mabuti sa bansa, pero wala sa timing – Camarines Sur solon
MANILA, Philippines — Bagamat kapaki-pakinabang ang panukalang Maharlika Investment Fund, sinabi ni Camarines Sur 3rd District Rep. Gabriel Bordado Jr. sa regular sesyon nitong Martes na hindi pa ito maaaring ipatupad sa ngayon dahil lubog pa sa utang na P13.2 trilyon ang bansa.
Aniya, ang paglalagay ng sovereign wealth fund sa pamamagitan ng Maharlika Investment Fund, ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa bansa kung gagawin nang maayos at sa tamang panahon.
Ayon pa sa Bicol lawmaker, ang Norwegian Fund ay itinuturing na pinakamalaki at isa sa pinakamatagumpay na sovereign wealth fund at ang iba pang kapansin-pansing sovereign wealth fund ay kinabibilangan ng Abu Dhabi, China, Kuwait, at Singapore kung saan ang pinakahuling nagpatupad nito ay ang Indonesia.
Sa kabila ng napatunayang tagumpay ng iba pang SWF, sinabi niya na itinakda ng Santiago Principles na ang SWF ay dapat na binubuo ng fiscal stabilization funds, savings funds, reserve investment corporations, development funds, at pension reserve funds nang walang tahasang pananagutan sa pensiyon.
Pinuri naman ni Bordado ang mga may-akda ng House Bill 6398 o ang Maharlika Investment Fund Bill, para sa pagtanggal sa SSS at GSIS para sa pagkukunan ng pondo.
- Latest