Electronic system ng death records pangontra sa pandaraya sa death, insurance claims
MANILA, Philippines — Isinulong ni Senator Jinggoy Estrada ang sentralisasyon ng death records sa pamamagitan ng electronic system bilang solusyon sa talamak na pandaraya sa death claims at iba pang insurance benefits.
Sa panukalang batas ni Estrada, nais nitong magkaroon ng Philippine Death Check (PDC) Register, isang sentralisadong electronic database na naglalaman ng mortality data na nakarehistro sa Local Civil Registrar (LCR).
Nakasaad din sa panukala na maiiwasan ang paglaganap ng mga “ghost” voters na nagagamit ng mga tiwaling pulitiko.
Sa ilalim ng panukala, itatalaga sa Philippine Statistics Authority na pamahalaan ang PDC Register na inaasahang makaka-detect at masasawata ang pagnanakaw ng identity ng mga namatay na.
“Sa maraming pagkakataon ay napatunayan sa maraming imbestigasyon na isinagawa ng Senado na nagagamit ang pangalan ng mga yumao na sa mga fraudulent payment claims, dayaan sa halalan at iba pang uri ng panloloko. Panahon na para solusyunan ang bagay na ito,” ani Estrada.
Binanggit niya ang kaso ng multi-billion-peso bogus ng Philippine Insurance Corp. (PhilHealth) claims na ginawa ng isang dialysis center na nalantad noong 2019.
Ang mga pondong iyon, aniya, ay inilaan para sa mga mahihirap at talagang nangangailangan ng tulong medikal ngunit napunta sa mga kamay ng mga may-ari ng pribadong dialysis centers.
Ang mga “ghost dialysis” aniya ay gumagamit ng mga pangalan ng mga namatay ng pasyente para makapag-claim sa PhilHealth.
Sinabi ni Estrada kapag nairehistro na sa LCR ang pagkamatay ng isang tao, ang impormasyon ay agad na ia-upload sa PDC Register Electronic System.
Tiniyak din ni Estrada na ang panukalang batas ay magbibigay ng mga safety net upang matiyak ang seguridad at integridad ng data.
- Latest