'Why not both?': Cayetano nais ipangalan 2 NAIA parks kina Marcos Sr., Ninoy
MANILA, Philippines — Kung ang ilan ay nag-aaway kung dapat palitan o hindi ang ang tawag sa Ninoy Aquino International Airport patungo sa pangalan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kakaiba naman ang suwestyon ng isang senador — gamitin ang parehong pangalan.
Ito ang mungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano, Huwebes, habang nasa pagdinig ang Senado kaugnay pondo ng Department of Public Works and Highways.
"'Yung kalahati ng [NAIA] gawing park, 'yung kalahati hatiin sa dalawa. 'Yung una, gawing Ferdinand Marcos Sr. Business Park. 'Yung kalahati, gawing Ninoy Aquino Business Park para mag-compete 'yung mga negosyante rather than boycott-boycott," sabi niya kanina.
"Tignan na lang natin kung saan sila pupunta doon sa dalawa. Competition works eh."
Aniya, isa sa mga proposal noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hatiin sa dalawa ang NAIA oras na matuloy na ang Bulacan at Cavite international airports.
Sa mungkahi, gagawing "central park" ng Maynila ang isa habang ang kalahati naman ay ibebenta bilang "central business district." Amended proposal daw nito ang gustong gawin ng senador.
Matagal nang pinagdedebatihan kung dapat bang panatilihin ang pangalan ng NAIA o kung dapat itong ipangalan na lang kay Marcos Sr., lalo na't diktador ang ikalawa na kilalang nagdeklara ng Martial Law. Naging dahilan siya sa pagkakakulong, pagkaka-torture at pagkakamatay ng libu-libo.
Biglang nagsulputan ang maraming panukala na ipangalan kay Marcos Sr. ang ilang establisyamento at unibersidad kamakailan lalo na ngayong presidente na ang kanyang anak na si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
"Kaysa doon sa nag-aaway doon sa internet kung ire-rename o hindi [ang NAIA], pareho naman silang naging part ng history. So, double bashing 'to mamaya," dagdag pa ni Cayetano.
Matatandaang matinding kritiko ni Bongbong si Cayetano, lalo na noong pareho pa silang tumatakbo sa pagkabise prsidente noong 2016.
Matapos maihalal bilang senador ngayong 2022, una nang tinawag ni Cayetano ang sarili bilang "independent." Pero bigla siyang kumambyo pagsapit ng Agosto at sinabing bahagi na siya ng minorya. — James Relativo
- Latest