Kalahati ng 9 milyong Pinoy seniors kayod-kalabaw, pero hirap pa rin
MANILA, Philippines — Halos kalahati ng siyam na milyong populasyon ng mga nakatatandang Pilipino ay kayod-kalabaw pa rin ngunit patuloy na nananatiling hirap sa buhay, ayon sa isang dating opisyal ng Commission on Population and Development (POPCOM).
Sa pagdalo ni dating POPCOM executive director Dr. Juan Antonio Perez III sa International Day of Older Persons sa Thailand nitong Setyembre 30, sinabi niya na patuloy ang pagtaas ng populasyon ng mga matatanda sa Pilipinas, na inasahan na mas hihigit pa sa bilang ng mga bata na may edad 0-4 taong gulang pagsapit ng 2030.
“While more of our seniors are enjoying longer lives because of medical advances preventing premature deaths, the remaining still have to deal with a host of diseases,” saad ni Perez.
Sa kabila ng mahabang buhay, marami naman umano sa mga matatanda ang kailangan pa ring magtrabaho dahil sa hirap ng buhay. At dito rin tumatama ang maraming sakit tulad ng ‘mental disabilities’ tulad ng depresyon, maging pagtaas ng bilang ng Alzheimer’s disease.
Nagdudulot din umano ito ng ‘social problem’ kapag napipilitan ang mga anak ng mga matatanda na lumiban o magbitiw sa trabaho para maalagaan ang maysakit na magulang.
Kaugnay nito, nanawagan si POPCOM officer-in-charge Lolito Tacordon sa pamahalaan na lumikha ng komprehensibong programa para sa kalusugan ng mga Filipino seniors para hindi nila sapitin ang hirap sa mga huling yugto ng kanilang buhay.
- Latest