Pagpapasuot ng PPE sa mga OFW na papaalis ng bansa, kinuwestyon
MANILA, Philippines — Kinuwestyon ni Sen. Pia Cayetano kung bakit may ilang OFWs ang nakasuot ng personal protective equipment (PPE) habang papaalis ng bansa.
Sinabi ni Cayetano na personal niyang nakita ang mga OFW nang magbiyahe sa abroad kamakailan kung saan bukod sa nakasuot ng PPE ay nakasuot din sila ng face shields, gloves at footsies habang naghihintay ng eroplanong kanilang sasakyan.
Nakakalungkot at nakakaiyak umanong makita na nakasuot ng ganito ang mga papaalis na OFW kabilang ang footsies na makikita lang itong suot sa loob ng operating room habang sila ay palakad-lakad sa airport.
Dahil dito kaya inalerto umano agad ni Cayetano si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople na nangako namang paiimbestigahan kung bakit naka-PPE ang mga papaalis na OFW.
Paliwanag ng senadora, maraming bansa na ang inalis ang pinahigpit na COVID-19 protocols kabilang dito ang pagsusuot ng face shield, at pagprisinta ng negative RT-PCR test result kabilang na dito ang bansang UAE.
Kaya nagtataka umano si Cayetano kung bakit kailangan pang pagsuotin ng PPE ang mga OFW.
- Latest