^

Bansa

KWF ipina-ban 5 libro sa mga eskwela, library sa pagiging 'subersibo'

James Relativo - Philstar.com
KWF ipina-ban 5 libro sa mga eskwela, library sa pagiging 'subersibo'
Litrato ng librong "Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kwentong Buhay" ni Rommel B. Rodriguez, isa sa limang librong ipinapatanggal ng KWF sa mga silid-aklatan at mga paaralan
Mula sa Facebook page ni Rommel Rodriguez

MANILA, Philippines — Ipinatatanggal ngayon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang ilang libro sa mga silid-aklatan at mga paaralan dahil sa pagiging "subersibo" at "kontra-gobyerno" — ito kasabay ng Buwan ng Wika ngayong Agosto.

Ayon sa isang memorandum na pinetsahang ika-9 ng Agosto, sinabi ng KWF na ito'y para maiwasan ng mga institusyong pang-edukasyon ang kontrobersyal na Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020.

"Kagyat na iniaatas ang tuluyang PAGPAPATIGIL sa lahat ng aklat na may nilalamang politikal, subersibo at mga malikhaing akdang may subliminal na ideolohiyang nanghihimok at/o nakapag-uudyok na labanan ang pamahalaan at sa lahat ng kauring tekstong inilimbag kasama ang nasa imprenta o pangangalaga ng yunit ng publikasyon ng Komisyon," wika ng KWF.

"Pinapayuhan din ang lahat ng SWK Direktor sa pamamagitan ng tagapag-ugnay nito na huwag ipamigay ang mga tukoy na aklat sa ibaba upang hindi tayo managot sa RA 11479 partikular sa seksyiyon 9, Inciting to commit terrorism."

Ilan sa mga binanggit na libro, na pinararatangang "may lahok na subersibo" at "kontra-gobyerno" ang:

  • "Teatro Politikal Dos" ni Malou Jacob
  • "Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kwentong Buhay" ni Rommel B. Rodriguez
  • "Taiwd-diwa sa pananagisag ni Bienvenido Lumbera: Ang Bayan, ang Manunulat, at ang Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng batas Militar 1975-1979" ni Dexter B. Cayanes
  • "May Hadlang ang Umaga" ni Don Pagusara
  • "Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro" ni Reuel M. Aguila

Kaugnay nito, inaatasan ang officer-in-charge (OIC)-director general na maglabas ng liham sa lahat ng nabigyang midya, library at mga paaralan "upang ipaliwanag ang pagpapatigil sa mga naturang aklat na 'di umaalinsunod sa mandatong nakasaad sa RA 7104."

"Kagyat na may bisa ang memong ito sa limbag na petsa sa itaas. Mahigpit na tumalima," dagdag pa ng memo.

'Itigil red-tagging sa mga manunulat!'

Binanatan tuloy ng mga author, akademiko, atbp. ang ginagawang sensura sa mga naturang libro.

Ilan sa mga nagbigay ng kanyang pagkundena ay si Rommel Rodriguez, na siyang nagbigay ng kanyang pahayag sa Facebook nitong Miyerkules.

"Hindi na mailalabas ang libro kong ito dahil sa pambabalahura nina Badoy, Celis at Frank ng NTF-ELCAC. Kelan pa kayo naging literary critic?! Puny*m*s! Hirap magsulat, tapos kayo puro chika na walang kuwenta!" banggit niya.

"Nais kong sabihin at manawagan sa mga kapwa manunulat at artista ng bayan na huwag natin palampasin ang mga kampon na ito ang magdikta sa paglikha natin ng sining! Wala dapat silang lugar sa malayang pagpapahayag! Wala silang karapatan na alisan tayo ng karapatan sa paglikha ng malayang sining!"

Nanawagan din siyang itigil na ang red-tagging at censorship na aniya'y ginagawa ng pamahalaan laban sa mga itinuturo nitong mga kalaban ng gobyerno o rebeldeng komunista.

Ang pahayag ni Rodriguez ay kaugnay ng pag-akusa nina Lorraine Marie Badoy, tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sa KWF bilang "tagapagmudmod ng terrorist propaganda" sa palabas na "Laban Kasama ng Bayan" sa Sonshine Media Network International.

Ang nabanggit ay agad namang binatikos ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas ng Unibersidad ng Pilipinas kahapon.

Ang lahat ng ito ay nangyayari sa ilalim ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., anak ni Ferdinand Marcos Sr. na nagpataw ng Martial Law sa Pilipinas noong 1972 hanggang Dekada '80.

Matatandaang binan din sa ilalim ng Batas Militar ni Marcos ang mga librong "The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos" ni Primitivo Mijares at "The Untold Story of Imelda Marcos" ni Carmen Navarro Pedrosa— may mga ulat mula kay The STAR/Marc Jayson Cayabyab

vuukle comment

ANTI-TERROR LAW

BONGBONG MARCOS

BOOKS

CENSORSHIP

FERDINAND MARCOS SR.

KOMISYON SA WIKANG FILIPINO

MARTIAL LAW

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with