Marcos Jr. in-abolish anti-corruption commission sa unang executive order
MANILA, Philippines — Ibinasura na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at Office of the Cabinet Secretary sa kanyang Executive Order 1. Ito ang isa sa mga una niyang inatupag ngayong siya'y presidente na.
Ito ang lumalabas sa utos ni Bongbong, na siyang nilagdaan noong ika-30 ng Hunyo, araw ng kanyang inagurasyon. Sa kabila nito, ngayong Huwebes lang ito isinapubliko.
Ang PACC, sa bisa ng E.O. 43 series of 2017, ay itinayo para disiplinahin at tanggalin ang mga public officials at empleyado ng gobyerno, maliban na lang yaong mga hindi saklaw ng otoridad nito.
"The Presidential Anti-Corruption Commission is hereby abolished and its jurisdiction, powers and functions shall be transferred to the Office of the Deputy Executive Secretary for Legal Affairs," ayon sa kautusan.
"The Deputy Executive Secretary for Legal Affairs shall make recommendations on matters requiring its action, to the Exeucitve Secretary for approval, adoption or modification by the President."
Ipro-promulgate ng naturang deputy executive ang mga rules of procedure pagdating sa mga administrative cases sa ilalim ng kanyang jurisdiction.
Bakit ginawa ni Marcos Jr.?
Ayon sa E.O., ginagawa ito para "mapadali ang economic recovery" sa gitna ng panmdeya sa pamamagitan ng mas maayos na alokasyon ng resources at pagpapasimple ng internal management ng gobyerno.
"Pagpapasimple" raw ito ng burukrasya habang nire-reorganize ng pangulo ang mga ahensyang may "duplicated" at "overlapping official functions."
Binuo ng dating Presidente Rodrigo Duterte ang PACC noong kasagsagab ng corruption allegations at "selective justices" na ibinabato kay dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Bago pa man binuo ang PACC ay mayroon ng Office of the Ombudsman na may mandatong mag-imbestiga sa mga reklamo laban sa opisyal o staff ng mga sangay ng gobyerno.
Nangyayari ito ngayong una na niyang sinabing nais niyang gawing "tunay na anti-corruption agency" ang Presidential Commission on Good Government (PCGG), na siyang binuo para bawiin ang mga ninakaw na yaman ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr. — ama ni Bongbong. Aniya, itratransporma niya ito para hindi na lang ito anti-Marcos agency.
Kinikilala ng Korte Suprema noong 2003, 2012 at 2017 na merong ill-gotten wealth ang pamilya Marcos, bagay na tinatayang nasa $5 bilyon hanggang $10 bilyon.
Si Imelda Marcos, ina ni Bongbong na dating nagsilbi rin sa gobyerno, ay nahatulang "guilty" ng Sandiganbayan para sa pitong counts ng graft.
Cab Sec, Presidential spox ibabasura rin
Sa ilalim din ng E.O. 1, ibabasura na rin ang Office of the Cabinet Secretary, na siyang ilalagay na lang daw sa direct control at supervision ng Presidential Management Staff.
"The Cabinet Secretariat, in coordination with the Executive Secretary, shall assist the President in the establishement of agenda topics for Cabinet deliberations, or facilitiate the discussion of cabinet meetings."
Ang mga tauhang maaapektuhan ng abolition ng PACC at Office of the Cabinet Secretary ay maaari nang mag-avail ng mga benepisyong ibinibigay ng mga existing laws.
Samantala, ia-abolish na rin ni Marcos Jr. ang Office of the Presidential Spokesperson at papalitan ang pangalan ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa Office of the Press Secretary. Ito'y sa bisa ng kanyang E.O. 2.
READ | Executive Order numer 2 abolishing the Office of the Presidential Spokesperson and renaming PCOO into Office of the Press Secretary @News5PH @onenewsph pic.twitter.com/IwtqQcMmnq
— Maricel Halili (@halili_maricel) July 7, 2022
Una nang sinabi ni Bongbong na ayaw niyang mag-appoint ng presidential spokesperson. Sa halip, gusto raw niyang siya mismo ang humarap sa media.
"Ako, palagay ko hindi ako maglalagay ng spokesman. Haharap ako sa media... I don't understand bakit may spokesman ang presidente. Kaya naman i-explain ng presidente kahit na ano," wika niya noong Abril habang tumatakbo pa.
"I don't know kung saan sinasabing that mahirap ako i-ambush interview. I'm always out in public," sabi niya pa, kahit na ilang beses na siyang umiiwas sa mga tanong ng reporters.
Una nang itinalaga ni Bongbong si Trixie Cruz-Angeles bilang kanyang press secretary. — may mga ulat mula sa News5
- Latest