MANILA, Philippines — Nababahala si Senator Christopher “Bong” Go sa epekto ng patuloy na pandemya at iba pang mga krisis sa kalusugan ng isip ng mga Pilipino kaya nanawagan siya para sa mas malakas na interbensyon ng gobyerno, partikular sa pagbibigay ng psychosocial services at suporta.
Idiniin ng senador ang naunang apela ng World Health Organizations sa mga bansa na mag-invest sa mental health matapos iulat na 2 porsyento lamang ng mga pambansang badyet sa kalusugan o mas mababa sa isang porsyento ng lahat ng internasyonal na tulong sa kalusugan ang napupunta lamang sa mental health.
Muling nanawagan si Go, chair of the Senate committee on health, sa gobyerno na tuklasin ang lahat ng posibilidad ng pagpapaabot ng kinakailangang gabay sa mga pamilya, lalo’t ang pandemyang COVID-19 ay patuloy na nakakaapekto, hindi lamang sa kabuhayan at pisikal na kalusugan ng mga Pilipino, kundi pati na rin sa kanilang emosyonal at kondisyon sa pag-iisip.
Binigyang-diin niya na ang patuloy na pagsisikap ay dapat gawin upang ganap na maisakatuparan ang layunin ng landmark na Mental Health Law na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2018.
Ang Republic Act 11036 ay nagtatatag ng isang pambansang patakaran sa kalusugan ng isip na nakatuon sa pagpapabuti ng kalusugan ng populasyon.
Bilang Vice Chair ng Senate committee on finance, matagumpay na naisulong ni Go ang karagdagang pondo para sa pagpapatupad ng Mental Health Law sa 2021 at 2022 na badyet.