SOCE deadline sa Hunyo 8, wala ng extension
MANILA, Philippines — Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) sa palugit na Hunyo 8 sa pagsusumtie ng SOCE (statement of contribution and expenditures) ng lahat ng kandidatong tumakbo sa National and Local Elections nitong Mayo 9.
Iginiit ni Comelec Commissioner George Garcia, na wala nang ekstensyon at hindi na sila tatanggap ng SOCE matapos ang naturang palugit.
“Pinapaalala natin, whether nag-withdraw o natuloy, whether natalo o nanalo, sila po lahat ay magfa-file ng kanilang SOCE,” saad ni Garcia.
Nagbabala rin ang komisyuner na ang mga kandidatong mabibigong magsumite ng SOCE ay maaaring maharap sa kaso at multa.
Ang mga hindi naman nakapagsumite ng SOCE sa ikalawang pagkakataon ay maaari ring maharap sa ‘perpetual disqualification’ para humawak ng anumang puwesto sa gobyerno.
Sa kasalukuyan, nasa 500 kandidato na tumakbo noong nakaraang halalan at noong 2019 ang nahaharap sa ‘perpetual disqualification’ kung hindi pa rin sila magsusumite ng kanilang SOCE ngayon.
Layon ng Comelec na malaman kung magkano ang ginastos ng isang kandidato at partido sa nakaraang halalan, kabilang ang mga natanggap na donasyon at kung may sobra pa sa pondo. Ito ay para mabatid kung hindi sila lumagpas sa pinapayagang halaga na dapat gastusin sa halalan. Aalamin din kung ang mga suppliers nila ay nagbayad rin ng kaukulang buwis.
Hindi naman sakop nito ang mga kandidato na umatras na sa kandidatura bago pa man mag-umpisa ang 90-araw na campaign period para sa mga politiko sa nasyunal at 45-araw campaign period para sa mga lokal dahil hindi pa sila maikukunsidera na kandidato.
- Latest