Diskarte nina dating Pangulong Aquino, Duterte sa imprastraktura pagsasamahin ni Ping
MANILA, Philippines — Mananatili ang ‘Build, Build, Build’ (BBB) project sa ilalim ng administrasyon ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson, pero higit na maayos at masinop itong ipapatupad, kumpara sa ginagawa ng kasalukuyang gobyerno sa pamamagitan ng kombinasyon na ginamit ng namayapang si dating Pangulong Benigno Simeon Aquino III.
Ang mas maayos na implementasyon ng mga proyekto ay personal na tiniyak ni Lacson sa kanyang pagdalo sa unang edisyon ng presidential debate na inorganisa ng Commission on Elections (Comelec).
Nanindigan ang beteranong senador at bantay ng pambansang badyet na dapat ay maipagpatuloy ang mga umiiral nang BBB projects dahil ang kontratang tinutuntungan ng mga ito ay hindi na puwedeng talikuran o baguhin lalo na kung may sangkot na pondo buhat sa ibayong dagat.
Pero ang mga bagong BBB na kakaugnayan niya, kung siya ang pipiliin na maging susunod na lider ng bansa ang pagbabatayan, magkakaroon ito ng pagbabago mula sa umiiral na sistema tungo sa Public-Private Partnership (PPP) Agreement upang maiwasan ang lalo pang paglobo ng utang ng pamahalaan na sa huling tala ay umabot na sa P12.03 trilyon.
Ayon pa sa Reporma standard-bearer, sa ilalim ng PPP ay maiiwasan ang pag-utang ng puhunan sa labas ng bansa dahil magkakaroon na ng pagkakataon ang pribadong sektor sa loob ng bansa na makalahok sa mga proyektong imprastruktura para sa mas masiglang ekonomiya.
Ang BBB ay proyekto ng Duterte administration habang ang PPP ay una nang ipinatupad ng namayapang si dating Pangulong Aquino.
- Latest