I-ban gamot sa sari-sari store? 'Ayusin muna authorized access,' sabi ng senatoriable
MANILA, Philippines — Nananawagan ngayon ang isang senatoriable na ayusin muna ang access sa mga gamot mula sa otorisadong nagbebenta, ito matapos manawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa local government units na magpasa ng ordinansa na magbabawal sa pagbebenta ng gamot sa mga sari-sari store.
Itinutulak ito ni Interior Secretary Eduardo Año ngayong kumakalat ang pekeng gamot sa mga maliliit na tindahan sa gitna ng COVID-19 pandemic. Sa Section 30 ng Republic Act 10918, tanging mga botika't tindahang lisensyado ng Food and Drug Administration (FDA) ang pwede magbenta ng gamot sa publiko.
"That is why sari-sari stores sell over-the-counter medicines for simple illnesses such as paracetamol and loperamide. They ensure that communities need not travel too far to seek basic medication," ani 2022 senatorial aspirant Neri Colmenares, Lunes.
"In this light, the proposal of the Department of the Interior and Local Government to prohibit sari-sari store owners from selling medicines should go hand-in-hand with efforts to improve the public’s access to quality and affordable medicines."
Nauna nang umalma sa panukala ng DILG si Sen. Manny Pacquiao, na tumatakbo sa pagka-pangulo. Ayon sa senador, dapat daw maintindihan ng pamahalaan na hindi naman lahat ng tao ay nakatira malapit sa botika.
Sa ilang lugar daw ay kilo-kilometro ang layo ng botika at hindi naman lahat ng tao ay may sasakyan para pumunta pa doon, lalo na sa gabi. Baka raw mas mahal pa ang gagastusin sa pamasahe sa pagpunta sa botika, lalo na't kung tingi ang bibilhin.
Sa kasalukuyan, madali makabili ng tingi-tinging gamot sa tindahan. Gayunpaman, isang pack kung ibenta sa ilang botika't convenience stores ang mga simpleng gamot gaya ng paracetamol.
Una nang inihain ng militanteng Makabayan bloc ang pagpapadali ng access sa mga gamot sa pamamagitan ng free healthcare law o House Bill 9515, bagay na ika-29 pa ng Mayo 2021 inihain. Sa kabila nito, halos isang taon na itong pending sa Committee on Health.
"Kasama sa panukalang ito ang pagtitikyak na may sapat at libreng gamot sa mga public hospital at health facilities, kasama ang mga barangay health stations. Titiyakin natin na may nars, doktor at health worker na nakatalaga sa mga facilities para matiyak na tama ang mga gamot na ipamimigay," ani Colmenares, na siyang tumatakbo sa ilalim ng Bayan Muna at opposition slate na 1Sambayan, sa ilalim ni Bise Presidente Leni Robredo.
"The Free Healthcare Act is one of my main advocacies that I will pursue in the Senate. Kayang-kaya natin matiyak ang tama at sapat na paggamit ng gamot, kung mayroong sapat na pagamutan at suplay ng medisina sa bawat barangay. Kasabay nito, dapat mayroong sapat na edukasyon para sa mga tao, nang maintindihan nila ano dapat gawin kapag mayroong karamdaman."
Linggo lang nang sabihin ni 2022 presidential candidate Sen. Manny Pacquiao na tutol siya panawagan ng DILG lalo na't ang mga maliliit na tindahan ang pinaka-accessible na lugar kung saan maaaring makakuha ng lunas ang taumbayan para sa mga simpleng sakit gaya ng lagnat, diarrhea, pananakit ng tiyan at katawan, atbp.
Dagdag pa niya, imbis na regulasyon ay mas magandang crackdown na lang laban sa smuggling ang gawin ng gobyerno kung nais sugpuin ang pagkalat ng mga pekeng gamot.
"Over-the-counter medicines which are also known as nonprescription medicines are medicines that you can buy without a prescription. They are safe and effective for ordinary ailments," sabi ng boksingerong naging senador kahapon.
Ika-14 ng Pebrero nang sabihin ng FDA na aabot na sa 185 ulat ang nakukuha nila pagdating sa mga sari-sari stores na iligal na nagbebenta ng gamot. Sa bilang na 'yan, 78 ang napatunayang guilty.
Walo sa mga naturang tindahan ang kargado ng mga pekeng gamot, kahit na 'yung mga COVID-19 medicines.
Sa dalawang taong pagharap ng Pilipinas sa COVID-19, sinasabing 85 katao na ang naaresto sa pagbebenta ng pekeng gamot sa buong Pilipinas.
Pwedeng makulong nang hindi baba sa anim na buwan at isang araw ang mga lalabag sa R.A. 8203 (Special Law on Counterfeit Drugs), na nagpaparusa sa mga taong may hawak na pekeng gamot. — James Relativo
- Latest