Sahod ng healthcare workers giit doblehin din
Tulad ng sundalo, pulis
MANILA, Philippines — Tulad ng mga ipinatupad na benepisyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at sundalo, iginiit ni Alliance of Health Workers (AHW) president Robert Mendoza na dapat doblehin na rin ngayon ang suweldo ng mga healthcare workers na siyang pangunahing nakikipaglaban sa pandemya.
“Sana, dagdagan at itaas ang sahod both public and private health workers. Kung nadoble ni Pangulong Duterte ang sahod ng mga kapulisan, sana sa panahon ng pandemya, magkaroon siya ng political will na doblehin ang sahod ng ating health workers,” panawagan ni Mendoza.
Sinabi ni Mendoza na sa kabila ng pagtawag sa kanila na mga bayani ng Pangulo, nananatiling hanggang doon lang dahil naiiwan pa rin umano ang mga healthcare workers pagdating sa kaligtasan at benepisyo.
“Wala tayong nakitang pagkalinga at pangangalaga ng Presidente at Department of Health,” ayon kay Mendoza.
Bukod sa ‘special risk allowance (SRA)’, iginigiit din ng AHW ang pagpapalabas ng kanilang hazard pay, meals, accomodation at transportation allowances.
- Latest