DOH naghahanda sa posibleng paglobo ng Delta variant

MANILA, Philippines — Pinaghahanda na ng Department of Health (DOH) ang mga pagamutan sa posibilidad na pag­lobo ng mga bagong kaso ng COVID-19 dahil sa Delta variant sa pagpapadagdag ng mga hospital beds para sa mga mahahawa ng virus.

Sinabi ni Health Un­dersecretary Leopoldo Vega, tumatayo ring treatment czar, na dahan-dahan na nilang pinapag-upgrade ang mga paga­mutan at kanilang mga pasilidad.

Sa mga pampublikong pagamutan, kailangang ilaan ang 30% ng kanilang hospital beds para sa COVID-19 patients.

Ito ay dahil sa hindi umano nawawala ang posibilidad na pumutok rin ang Delta variant ng COVID-19 sa Pilipinas tulad ng nangyayari ngayon sa mga kapitbahay natin na Indonesia at Malaysia.

“Since last year, we have already doubled up our intensive care units both in the public and private, totaling to almost 1,800. Before it was just 700 plus,” dagdag ni Vega.

Nakapagtayo na rin ang gobyerno ng mga modular hospital sa Metro Manila at ibang lalawigan kung sakaling mapupuno ang ibang ospital dahil sa dami ng pasyente.

Nabatid na 16 bagong kaso ng Delta variant ang natukoy sa bansa kung saan 11 sa mga ito ay local cases na.

Samantala, bukod sa Delta variant nadagdagan pa ng 264 bagong kaso ng Alpha variant na unang natukoy sa United Kingdom, 299 Beta variant (South Africa) at 55 Theta variant (Philippines).

Show comments