Pagpatay sa magpinsang Absalon magbibigkis sa Pinoy vs CPP-NPA
MANILA, Philippines — Naniniwala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ang pagpatay sa FEU football player na si Kieth Absalon at sa kanyang pinsan ng mga komunistang-teroristang New People’s Army (NPA) ang magbibigkis sa bansa at lahat ng Pilipino na labanan ang mga krimen ng mga armadong bandido na labis na ang paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).
Ayon kay Undersecretary Lorraine T. Badoy, tagapagsalita ng NTF-ELCAC sa larangan ng social media at sectoral concerns, ang walang kabuluhang pagpaslang kay Kieth Absalon ang gumalit at magpapatibay ng pakikipaglaban ng bansa sa teroristang CPP-NPA-NDF.
Maging ang mga kaalyado umano ng mga ito na Makabayan Bloc at sambayanang Pilipino ay kinondena ang pagpatay kay Absalon matapos pasabugin ng mga NPA ang tinanim na anti-personnel mine (APM) habang nagbibisikleta lamang ang mga biktima noong Linggo sa Masbate. Pinagbabaril din umano ang dalawang biktima.
Samantala, sinabi ni Badoy na hindi na palolokong muli ang pamahalaan sa panawagang “piss talk” ng CPP-NPA-NDF, dahil kung kapayapaan ang nais ng mga ito, sisimulan dapat nila ng pagsuko ng kanilang mga armas at kanilang mga miyembro bago mapunta sa usapang pangkapayapaan.
- Latest