Robredo: Cha-Cha ‘di napapanahon
MANILA, Philippines — Hindi umano napapanahon ang pagsusulong ng Kongreso ng Charter Change (Cha-Cha), ayon kay Vice President Leni Robredo.
Sa kanyang Sunday weekly radio show, sinabi ni Robredo na sa halip na pagtuunan ng pansin ang Cha-Cha ay mas makabubuti kung magpopokus muna ang pamahalaan sa pagtugon sa problema ng COVID-19.
Ayon kay Robredo, ilang international bodies na ang nagsabi na ang ekonomiya ng Pilipinas ay hindi kaagad makakarekober mula sa impact ng pandemya kumpara sa iba pang bansa.
Dahil dito, mas mahalaga aniyang tutukan muna ng pansin ng pamahalaan ang pagtugon sa pandemya kumpara sa iba pang bagay.
“Hindi pa ba tayo natututo na iyong energies natin at atensyon natin, i-focus natin sa mga bagay na hindi magpapahirap sa ating mga kababayan? Bakit hindi natin tutukan iyong mga kailangang tutukan ngayon?” sabi ni Robredo.
Nauna rito, sinabi ni Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. na pinag-aaralan nila ang pagpapatuloy ng deliberasyon sa Cha-Cha habang sinabi naman ni House Speaker Lord Allan Velasco na ang panibagong pagsusulong sa Cha-Cha ay layong amyendahan ang “restrictive” economic provisions sa 1987 Constitution.
Nilinaw naman ni Senate President Vicente Sotto III na hindi nagnanais ng term extension si Pang. Rodrigo Duterte sa ChaCha kundi ang pagtatanggal lamang sa party-list system.
- Latest