Higit 13K kababaihan, bata naabuso simula ng pandemya

Isa lamang aniya sa kada-tatlong babae na nakaranas ng karahasan ang nagri-report.
STAR/File

MANILA, Philippines — Umabot sa 13,923 ang naiulat na kaso ng “Violence Against Women and Children” simula Marso 15 hanggang November 30. Sinabi ni Maria Kristine Josefina Balmes, Deputy Executive Director for Operations ng Philippine Commissioner on Women na sa nasabing bilang, 9,176 ang kaso laban sa kababaihan at 4,747 laban sa mga bata.

Sinabi rin ni Balmes na pinakamataas na kaso ang naiulat sa Region VII o Cebu na tatlong beses ang itinaas kumpara sa National Capital Region.

Pero sinabi rin ni Balmes na kung ikukumpara noong panahon na wala pang pandemiya, bumaba ang naiuulat na kaso dahil lahat ay nakakapaghain ng reklamo.

Isa lamang aniya sa kada-tatlong babae na nakaranas ng karahasan ang nagri-report.

Karamihan aniya sa mga reklamo ay mayroong “close relationship” ang mga biktima sa kanilang mga perpetrators.

“Dahil siguro tayo ay nasa pandemya, karamihan lalo na noong panahon ng enhanced community qua­rantine (ECQ) ay hindi makalabas. So, ang nagiging tendency po ay iyong ating mga kababaihan ay lalong mas nagiging biktima,” ani Balmes.

Hinikayat ni Balmes ang sinuman na may alam tungkol sa kaso nang pang-aabuso na magreport sa hotline ng Philippine National Police na 117.

Show comments