Torotot, pito ‘wag muna sa Bagong Taon
MANILA, Philippines — Hindi rin ipinapayo ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng torotot at pito bilang alternatibong pampaingay at pampasaya sa Pasko at sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Ito’y dahil hindi kasali ang torotot at pito sa ipinalabas na listahan ng DOH sa mga ligtas na alternatibong paraan para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon bilang pag-iwas na rin ng pagkakahawaan sa COVID-19.
Sa idinaos na virtual launching ng “Tuloy ang Paskong Pinoy 2020: Iwas Paputok Campaign,” sinabi ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje na mas mainam na “umiwas sa SKERI, at doon daw tayo sa KERI” na mga paraan.
Ayon kay Cabotaje, sa kanilang kampanya ngayong taon ay hindi ipinapayo ng DOH ang paggamit ng torotot o kahit ang pito (whistle).
Hangga’t maaari aniya, ay dapat na naka-face mask pa rin ang mga tao kahit nagme-merry making o nagsasaya sa Pasko at Bagong Taon.
Dahil dito, bawal na muna ang paggamit ng mga torotot at pito na gumagamit ng bibig at maaa-ring magbuga ng droplets, na posibleng magdulot ng pagkalat ng COVID.
Kabilang sa “Pitong Patok na Alternatibo sa Paputok” ngayong holiday season ang pagpukpok sa kaldero, pagpalo sa tambol, pagbusina, pag-alog ng alkansya, pagkumpas ng tambourine, pagpapatugtog ng malakas at pagpapa-ilaw ng glow sticks, dahil ang mga ito ay ligtas at may pagsasaalang-alang sa COVID-19 pandemic.
Gayunman, maaari pa rin aniyang magkaroon ng community fireworks display depende sa mga lokal na pamahalaan at kung masusunod naman ang minimum health standards at depende rin sa community quarantine status ng lugar.
- Latest