Paglaban sa online pornography tiniyak ng telecom operators

Sa position paper na isinumite ng PCTO kay Justice Secretary Me­nardo Guevarra, tiniyak nito na gagampanan ng kanilang mga miyembro ang pag-block sa mga website na naglalaman ng mga pornograpo sa mga kabataan bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa ilalim ng Republic Act 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine Chamber of Telecom Ope­rators (PCTO) sa Department of Justice (DOJ) na patuloy sila sa pakikiisa sa pamahalaan na labanan ang ‘online pornography at sexual abuse’ sa bansa gamit ang internet.

Sa position paper na isinumite ng PCTO kay Justice Secretary Me­nardo Guevarra, tiniyak nito na gagampanan ng kanilang mga miyembro ang pag-block sa mga website na naglalaman ng mga pornograpo sa mga kabataan bilang bahagi ng kanilang tungkulin sa ilalim ng Republic Act 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.

Ang PCTO ang ‘umbrella organization’ ng mga telecommunication companies at internet service providers (ISPs) na may prangkisa kabilang ang PLDT at Globe Telecom.

Ngunit hiniling din ng PCTO sa DOJ na ikunsidera ang pag-amiyenda sa Section 9 ng RA 9775 dahil sa magkakasalungat na probisyon.

Ipinaalala rin ng PCTO na sa ilalim ng RA 10173 o ang Data Privacy Act of 2012 ay mahigpit na ipinatutupad ang privacy ng mga indibidwal laban sa pagkolekta ng mga personal na impormasyon ng kanilang mga kustomer na kumokontra rin sa Section 9 ng RA 9775.

Nabatid na aktibo ang PLDT at Smart Communications sa pamamagitan ng kanilang Cyber Security Operations Group (CSOG) sa pagtukoy at pagharang sa mga child pornography websites katuwang ang PNP at NBI habang ang Globe Telecom naman ay umaabot na sa 2,521 sites ang nai-block.

Show comments