Sen. Go kay Trillanes ‘Magpakalalaki ka’
MANILA, Philippines — Hinamon ni Sen. Bong Go si dating senador Antonio Trillanes IV na magpakalalaki at harapin ang kasong sedisyon na isinampa laban sa kanya at kinatigan ng Department of Justice (DOJ) noong Lunes.
Ayon kay Go, dapat panagutan ni Trillanes ang kanyang mga naging aksyon laban sa kanya at kay Pangulong Duterte.
Ani Go, nilapastangan ni Trillanes ang kanyang reputasyon, ni Pangulong Duterte at pamilya nito noong nakaraang halalan sa pamamagitan ng pag-aakusa nang wala namang matibay na basehan.
Ayon sa senador, maging ang iba pang sangkot at kasabwat ni Trillanes sa paglulunsad ng black propaganda laban sa kanya noong campaign period ay dapat ding makasuhan at maparusahan.
“Alam naman natin sino ‘yung nasa likod noon eh. Dalawang beses, ako mismo ang biktima noon, ‘yung Bikoy na ‘yan. Dalawang beses n’ya po akong pinaghubad, nagsalita na ang taumbayan,” aniya.
Kinatigan at idiin ng DOJ si Trillanes at 10 iba pa na nagsabwatan sa paggawa ng “Ang Totoong Narcolist” video blogs na kumaladkad sa First Family at kay Go sa illegal drug trade sa bansa.
Sa kabilang dako, nirerespeto ni Go ang naging desisyon ng DOJ na iabsuwelto si Vice Pres. Leni Robredo at iba pang Obispo sa kasong sedisyon.
- Latest