DOH: Ika-8 kaso nang polio naitala sa Basilan
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Health na umakyat na sa walo ang nahawaan ng malubhang sakit na polio, simula nang manumbalik ito sa Pilipinas matapos ang 19 taon.
Nakita ito sa isang 9-anyos na batang babae mula sa Basilan, na sinasabing hindi pa nababakunahan kontra-polio.
Isinisisi ng marami ang panunumbalik ng polio sa bansa sa diumano'y "vaccine scare" na nilikha ng kontrobersiya sa Dengvaxia.
Sa kabila nito, una nang sinabi ng World Health Organization na dati nang mababa ang nagpapabakuna kontra sa sakit bago pa man pumutok ang isyu sa dengue vaccine, na diumano'y naging sanhi ng pagkamatay ng ilang bata.
"Ang vaccine coverage para sa polio nasa 70% lang bago pa man mangyari ang Dengvaxia," pagbabahagi ni WHO Philippine Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe noong ika-25 ng Setyembre sa Inggles.
Limang araw pa lang nakalilipas nang ianunsyo ng DOH ang tatlong bagong kaso ng nakapaparalisang sakit ang naitala sa Mindanao.
Ika-19 ng Setyembre nang banggitin ng DOH na nanumbalik ang polio sa bansa, nang makita ito sa isang 3-anyos na batang babae mula Lanao del Sur.
Taong 2000 nang ideklara ng WHO na "polio-free" ang Pilipinas, na nangangahulugang wala nang "wild poliovirus" sa bansa.
Sa kabila ng panibagong mga kaso, matatandaang tiniyak ng DOH Undersecretary Eric Domingo na napakababa ng tsansa na mahawa ng polio ang matatanda.
Aniya, nananatili itong sakit ng mga bata dahil mas malakas na raw ang immune system ng nakatatanda. — may mga ulat mula kay The STAR/Sheila Crisostomo
- Latest